Habang papalapit ako sa aming bahay,
Papalayo naman ang loob ko kay Inay.
Dinig ko sa isip ang kanyang tungayaw,
“Pagpapalain tayo dahil sa atin Siya dadalaw.”
Nang papasok ako sa tarangkahan,
Papalabas naman ang mga nagsipagdasal.
Umaapaw sa tao ang munting tahanan,
Paroo’t-parito ang mamang nakasaklay
Amoy langis ng niyog ang paligid.
Nagkulong ako sa silid,
Habang naglalakbay ang aking malay.
Alam kong sa mga sandaling ito,
Kung hindi ka manghihilot ay manghuhula
Iniisa-isa mo kung sinu-sino ang sinungaling;
Nakikiapid o hindi lubos na nananalig.
Maya-maya’y ikaw ang Mahal na Birheng
Manghihikayat na magrosaryo,
Sasalit ang Diyos Amang magsasabi
Ng nalalapit na paghuhukom:
Kandila, asin at benditadong tubig
Ang magiging kalasag.
Nang lumabas ako ng silid,
Pumapasok sa iyong katauhan ang Sto. Niño
Pinuno mo ng munting halakhak ang bawat sulok
Patalon-talon, iniikutan ang maibigang taga-sunod-
Ibinubulong ang masuwerteng numero
Binabasbasan ang tiket ng lotto.
Sa aking pagtalikod,
Humarap ka kay Inay
Buong paglalambing kang humiling
Ng nais mong hapunan.
Kadena na lamang ng paborito kong aso
Ang aking nagisnan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment