Monday, February 05, 2007

Thus Spake Bum

Sinong 'di Mawiwili

Lolito Go



Ultra











Sangkap sa gayuma:

Isang kutsaritang katatawanan
Dalawa’t kalahating bote ng nimpas
Isang tableta ng harana ni Lito Camo
Tatlong bayong ng mga hilaw na pangako

Gayuma’y para kanino?

Para kay Pedrong nagpapagal
at napupuyat sa pamamasada
habang kumakaskada
ang laway ng pagnanasa
sa hiwaga ng ideyang
biglang-yaman

Para kay Mariang mamad na
ang mga palad sa paglalaba
habang umaatungal
ang mga anak niyang
mulagat na
sa pagdadalang-bulate’t kabag

Para sa mga panatikong paboritong ulamin
ng mga pulitikong
bukambibig ang pagbabago at paghahango
sa mga natubog
sa pusali ng karukhaa’t kamangmangan

Para sa mga taong kinakagat ng ulol na tadhana
at kinakasta ng kamalasan
habang sinasampal pa ng mataray
na demokrasyang
iilan lang talaga ang kinikilala

Bisa ng gayuma:

Laksa-laksang isdang walang palaypay
sa laot ng agaw-buhay na pangarap
Laksa-laksang ibong walang pakpak
sa alapaap na nagbabadya ng ulan
Nagkaumpuga’t nagkabalyahan
Pasugod sa tarangkahan ng ginayumahang…
Bitag!

Masusumpungan din nila ang langit,
Sa wakas!

Sinong ‘di masisisi

** Ang tula mong "Sinong Di Mawiwili" ay ang pinsan ng tulang matagal ko na sanang ginawa, tulang parang nasa dulo ng aking dila, tulang nag-uumalpas sa tuwing naririnig ko ang tila nang-uuyam na awit na iyan ni Lito Camo. Tulang hanggang ngayon ay hindi ko malapatan ng wastong mga kataga dahil sa pansamantalang pag-iwas ko sa pagtula.

Salamat Bum sa pagpapamukha mo sa akin ng aking karuwagan.

- Ate Me-Ann

No comments: