Sunday, August 06, 2006

Napanood ko na ang "Sukob." Sayang nga lamang at hindi si Bes ang nakasama ko (hindi kasi nagkatugma ang aming mga schedule), buti na lamang at andiyan ang ate ko.
At dahi may hinahabol kaming oras, pumasok kami sa kalagitnaan ng movie kaya medyo nakawiwindang.
Inilarawan sa pelikula ang pamahiin tungkol sa magkapatid na ikinasal ng sukob sa isang taon. Ngayon ko lamang narinig na sukob din pala ang tawag kung nagpakasal ka ng hindi pa nakakapagbabang-luksa ang namatay na mahal sa buhay. Kakaiba nga lang ang approach ng Star Cinema dahil nagawan nila ng katatakutan ang nasabing pamahiin. Taliwas sa nakagisnan natin na malas ang kakambal ng isa sa magkapatid na nakisukob sa taon. May ilan din akong mga puna:
1. Ang bata na nakadamit ng puti na parang sa flower girl at lumalabas kapag may mamamatay, hinanap ko kung kasama siya sa entourage (either kay Diana or Santy ba), pero wala. Mas natandaan ko tuloy siya kesa kay Bryan na napaka-ikli ng role.
2. Kapansin-pansin ang pagloloko ng kuryente at pagpatay or pagkislap ng mga ilaw bago lumitaw ang bata.
3. Kasunod ng pagkamatay ng ilaw ay ang paghangin nang malakas at ang pagpasok ng maraming tuyo at maliliit na mga dahon. At yun nga, kasunod ay ang paglabas ng bata bilang hudyat na may mamamatay na naman. (Feeling ko tuloy ay nagiging predictable). Hindi rin consistent kung ang pagpapakita ba ng bata ay sa mga piling tauhan lamang habang nag-iisa or kahit may ibang kasama.
4. Maraming pamahiin at lumang paniniwala ang ipinakita sa pelikula. Mga pamahiin kung nakatakda na ang kasal at mga karaniwang ipinagbabawal. Hindi rin nawala ang character ng medium (na kailangang may 3rd eye)at syempre ang pamosong albularyo sa kultura ng Pinoy.
5. Ang pamosong albularyo na sa simula ay akala mo siya ang sagot sa lahat ng gulong nangyayari na sa bandang huli ay takot rin naman pala.
Ipinakita lamang na minsan, kahit anong ingat natin, kahit anong iwas na makagawa ng lihis sa nakaugalian at nakagisnang pamahiin at mga paniniwala, may mga bagay pa rin tayong hindi nakakayang kontrolin. Mga bagay na lingid sa ating kaalaman. Hindi sa sinasabi kong mali ang maniwala sa mga pamahiin at matatandang kaugalian, nasa tao naman kasi talaga iyon.
Sa kabuuan, nakagugulat at nakatatakot rin naman ang ibang eksena. Ilang beses rin akong napatili. May mga pagkakataon ring natawa ako at maraming beses na nagtaka. Madalas ko ring ibulalas sa ate ko ang mga salitang "sus, sabi ko na nga ba eh."



No comments: