Tuesday, October 03, 2006

Paano Kung . . .

Mamamatay ka na ngayon
Nakahanda ka ba?

Kung ang puso’y sumambulat
At ang mga piraso’y humalo
Sa mga bubog ng salaming
Mababasag dahil sa pagbangga,
Ng bus na iyong sinasakyan
Sa kasunod nitong trak.
Hindi ka ba manghihinayang?

Nasa loob ng pusong iyan
Ang damdaming pilit ikinukubli,
Ang mga katagang hindi pa nasasabi;
Mga salitang hindi ka sigurado
Kung dapat pang isiwalat.

Kung ang mukha ay maipit sa bakal na upuan,
Ang bibig ay hindi na maibubuka,
Nasa loob pa naman niyan ang dilang
Magpapahayag sana ng mga pangako.

Kung sa pagpupumilit mong tumayo
Ay maiwan ang kaliwang hitang madadaganan
Ng bigat ng sasakyang nabuwal,
Sayang . . . naguumalpas sa katawang iyan
Ang pagnanasang manatili sa kanyang tabi.

Iaasa mo na lamang ba sa sariling kaluluwa
Ang pagpaparamdam?

No comments: