Monday, June 05, 2006

Karibal

Ikaw ang Barbie Doll, ako ang manikang basahan
Sa larong ako ang laging taya
Sa bahay-bahayang ikaw ang mayamang amo
At sa kwentuhang ikaw ang tanging bida

Pinipilit nilang iugnay ang kapalaran ko sa’yo
Sinisikap ikumpara, diskarte mo sa akin
Nagpadala ka sa miron, dinaya mo ako
Nang malingat, binasag aking pamato

Nakipagkampihan ka, ako ay iniwan
Nang minsang madapa, agad pinagtawanan
Ginamit laban sa akin, ang mga kahinaan
Biglang laro nati’y taguan, habulan, iwasan

Nakalimutan mo yatang sanay akong magalusan
Sa laro natin noon, takot kang maarawan
Di ba nga sa takbuhan, palagi kitang naiiwanan?
Sabihin mo sa akin ngayon, sino ang talunan

Balatkayo

Pinipilit iwasan, sinisikap kalimutan
Natatakot harapin, naduduwag na tanggapin
Nagdudumilat na katotohanan
Sakit na dulot nang bigla mong paglisan

Lumuluha sa pag-iisa
Ngumangawa, nagmamakaawa
Sarili’y madalas kinakausap
Sa harap ng iba’y humahalakhak

Umaaktong walang nabago
Ako pa rin ang dating masayahing ako
Palabiro, laging may nakalaang payo
Di nila alam, ang lahat ay balatkayo

Maskarang nakatawa, lagi kong kasama
Pero likod nito, basa ng aking luha
Maging pagngiti, di ko magawa
Mukha’y lukot, sa kawalan nakatunganga

Bayot

Nagkukumahog ka sa paghuhugas ng mga plato
May nagpatay na naman kasi ng radyo
Imbyerna ka na nga kagabi
Nabigong mapanood Ms. Philippines sa t.v.
Binuklat ang dyaryo, showbiz column pinasadahan
Muntik mapatili, paboritong actor, may na-anakan!?

Nagpunas ng mesa, nagsalang ng sinaing
Mga labahi’y inihanda na rin
Di nakalimutang diligin mga halaman
Kinausap, mga usbong ng bulaklak, kinantahan
Nang sa may sisitsit sa may tarangkahan
Pakendeng kang lumapit at pa-dekwatrong nakipagkwentuhan

Pag-iigib sa poso, iyong iniiwasan
Pagbubuhat nang mabigat, sobrang kinamumuhian
Ayaw na ayaw maarawan mukha mong may kolorete
Nagdududuwal ‘pag tinutukso kahit kaninong babae
“Tawag ka ni Tatay, iabot mong martilyo”
Nagpapapadyak ka, sabay sigaw ng “bakit ako?!”

Nawawala kong hair brush, nasa iyo pala?
Panyong bulaklakin bakit mo kinuha?
Kurot ang panakot sa tuwing napipikon
Nipis ng pantulog mo, daig pang kamison
Pagkagat ng dilim, humahalimuyak ka
Ang haba ng hair, biglang ikaw na si Althea!

Bula

Pamilyar ang mukhang tumambad sa telebisyon
Ang nangingintab na mga kamay na babad sa paglalabada
Pares ng paang nagkakalyo, tsinelas na walang isang paa
Bulto ng katawang nakapaloob sa kupas na kamiseta
At ang eskapularyong naglilibag

Habang ikinakamada ang mga katawang walang buhay
Nadaanan ng kamera, ang hapis mong pisngi
Di kita inaalisan ng tingin
Nagbabakasakaling may kaunti pang hiningang natitira
Hinihintay ang ngiting nakasanayan, ngunit maramot ka

Paano na ang walong bibig ng inakay na tanging sa’yo lang umaasa?
Saan pa dadapo ang kamao ng asawang iresponsable?
Sino pa ang makakatalamitam ni Tomasang labandera
Paano na ang pangarap ng pagbangon, ng pagbabalik-probinsiya?
Sino ng ilaw ng bahay ninyong walang tarangkahan?

Kung nagkasya ka na lamang ba kasi sa panonood
Mula sa maliit na siwang ng bintana ng ating kapitbahay

Diyan Ka Na . . .

Aalis ako nang walang paalam,
Walang lingon-likod;
Ni hindi mo mamamalayan.

Walang ingay kong tataluntunin,
Ang daan palabas;
Sa buhay mong pinilit angkinin.

Palalayain ko ang aking sarili,
Sa tila hawlang nagkukulong sa akin;
Na manatili sa piling mo,

Marahang-marahan kong kakalagin,
Ang pagkakabuhol;
Ng ating mga kapalaran,

Buong ingat kong ihihiwalay,
Ang hinabing mga pangarap;
Mula sa tungkos ng iyong mga balakin.

Iingatan kong gumawa ng anumang eksena,
Na maaaring magbigay babala;
Ng gagawin kong paglisan,

Sasamantalahin ko ang iyong kasiyahan,
Sa sandaling malingat;
Alaala ko na lamang ang iyong aabutan.

Dear Someone

Falling in love with you,
Is a complete surprise for me;
This feeling of mine is terrible,
I, myself can’t even understand.

I don’t know when it started,
Really don’t know where it begun;
I realized then how important seeing you had become,
A day without you seemed as if something is missing.

But how long should I wait?
How strong should I be?
You had ignored me often times,
Does your heart beats for me?

You & I

You’re a loner,
I’m a lover of quietness.

You’re a rational,
I’m impulsive.

You’re a show-off,
I’m reserved.

You’re a sentimental,
I’m too emotional.

You’ve got friends,
I’m friendly.

You’re quite sensitive,
I’m easily hurt.

You’re brilliant,
I know some.

You’re serious,
I’ve got sense of humor.

You’re strong,
I’m weak.

You love sports,
I want poems and books.

You prefer to talk,
I used to write.

You’re just,
I’m a fault finder.

You’re an ego centric,
I have a bit of pride.

You need friends,
I’m offering my hand.

You’re unique,
I’m different.

Bola ng Pag-Ibig

“Ito ang bola ng pag-ibig ko sa’yo!”
Paulit-ulit mong sigaw noon
Sa tuwing napapadaan ako, kasama
Ang mga kamag-aral na naghahagikgikan
Tatapunan kita nang panakaw na sulyap
Pilit mong iaabot ang maliit na bola
Agad akong magbabawi ng tingin.

Buong pagmamalaki ka namang aawit
Isang kantang halatang ginawa mo lamang
Bakit nga hindi’y paulit-ulit na binabanggit
Sa awit mo ang pangalan ko
Palakas nang palakas
Kahit hindi kita pinapansin
Sige ka sa pagsasalita’t pagtatanong.

Nakakapanibago na nang mag-isa at mapadaan
Ay tahimik na nakamasid ka lamang
Wala ang sigaw, wala ang awit
Nang ikaw ay kumustahin, malungkot na nagsumbong
May nagnakaw ng bola ng pag-ibig mo sa akin?!
Mga mata mo’y nanlalalim

Sa muli kong pagdaan, wala ka na
Inilipat na raw muna ng silid
Hindi na ligtas ang makakasama
Pansamantala kang mag-iisa bilang parusa
Sayang, may nais pa naman akong ibigay
Bola na hawak ko’y ibinasura na lamang.

Mac-Mac

Kinakabahan ako sa tuwing
Sasabihin mong nasasabik kang
Makita ako at makasama
Iisa lang ang ibig sabihin
Mayroon na namang dinadala

Pipigilan ko ang sarili
Na mag-usisa, pagkat alam ko
Ang sagot sa sarili kong tanong
Pinasakitan ka na naman niya
At wala kang mapagsasabihan

Hindi naman ako nagsasawa
Sa tanging papel ko sa buhay mo
Taga-pakinig at taga-alo
Kasama mo tuwing lumuluha
Nagsisikap magpangiti sa iyo

Manghihingi ka ng payo, ngunit
Hindi naman kayang sundin
Kung sasabihin kong iwan na siya
Kalimuta’t humanap ng iba
Kabisado ko na ang itutugon mo

Siya ang iyong mundo at buhay
Pagmamahalan ninyo ay tunay
Ang lahat ng ito ay pagsubok
Na kailangan ninyong pagdaanan
Upang higit na maging matibay

At wala na akong nais pang sabihin
Ayoko ng makipagtalo pa
Dahil alam kong ako’y hihiritan
“Maiintindihan mo rin ako Ate,
Kapag nagmahal ka na nang tunay.”

Bukas na Liham ng Isang Panganay

Inay,

Batid kong ikaw ay nahihirapan,
di birong pasakit ang pinagdadaanan;
Lahat na lang halos ng iyong naisin
di ko kayang tanggapin at sikmurain,
Kaya ang lahat ng iyong ipinagkakaloob
aking inaayawan at tinatanggihan -
ibinabalik sa nalalamang paraan.

Subalit di ka nanghihinawa
palihim mo akong hinahaplos tuwina;
Kinakausap maya't maya
sa wikang ikaw lang ang nakauunawa.
Nakangiti ka habang ako’y walang reaksyon,
dama ko ang init ng iyong emosyon
ngunit hindi ko ito kayang suklian ngayon.

Kahapon narinig kong nagulat ang matalik na kaibigan,
Ipinaalala mo sa kanya ang inyong usapan -
Kung sakali’t ano man, siya na sanang bahala
sa akin ay magpala at mag-aruga.
Ang daya mo naman, Inay. . .
Dalawang taon ninyo akong hinintay
upang inyo lamang palang ipamigay.

Ako ba'y inyong mahal? Nais ko sanang itanong
nang ako'y makasilip ng pagkakataon
nang kayo'y umasang marinig tibok nitong puso,
gamit ng doktor ang mahiwagang instrumento;
Pansamantala akong hindi huminga
nais kong subukan kung tunay ngang ako'y mahalaga
at akin namang naramdaman ang inyong pag-aalala.

Dinig na dinig ko ang inyong usapan -
Sa kabila ng peligro ng iyong karamdaman
sumugal ka sa labang walang kasiguraduhan.
Nakahihiyang isipin
na sa kabila ng mga hirap mo sa akin,
sarili mong buhay ilalaan
masiguro lamang ang aking kaligtasan.

Ako pala'y mahal, ngayon ko ganap na naunawaan,
kaya ganoon na lamang ang inyong kaligayahan
sa pagdating ng panganay na inaasam;
At kung bakit ganoon na lamang ang kaba
nilang nakakaalam ng tunay mong kalagayan.
Narito ako ngayon, Inay, may pintig na ng buhay
Sandali na lamang ang inyong ipaghihintay.

Inay, sa kakaibang tapang mo ako nakakapit -
Tanging hiling lang, mga mata'y huwag mong ipikit;
Kailangan kita at ang iyong pagmamahal,
Sasabayan kitang lumuhod at magdasal
hihilingin natin sa Kanya, buhay nating dalawa.
Magpakatatag ka, Inay
para sa akin at para kay Itay.


Nagmamahal,

Ang inaasam mong panganay

Paimbabaw

Nagkakadaiti ang ating mga balat, nagkakabungguan ang mga balikat, ngunit di ko maarok, laman ng iyong isip.

Alam ko ang mga kababawan mo, maging ang mga bagay na nakapagpapasaya sa iyo. Ngunit totoo kaya ang iyong mga tawa? Sinsero ba ang kislap sa iyong mga mata? Tunay nga kayang maligaya ka sa tuwing tayo ay magkasama?

Sinasabi mo sa akin ang lahat ng iyong mga dalahin, mga tiisin, mga sama ng loob at hinanakit sa mundo at sa maraming tao. Maraming beses na kitang nasaksihang lumuluha. Di mabilang na pagkakataon ng ako ang iyong naging sumbungan, taga-payo, taga-pahid ng luha. Balikat ko ang nakasanayan mong sandalan. Mga kamay ko ang madalas hawakan ngunit ako nga kaya ang nais mong karamay?

Naibahagi mo na rin sa akin ang iyong mga kinatatakutan at mga alalahanin ngunit tila ang mga salita ko ay kulang upang palakasin ka.

Nais mong sa paghabi ko ng aking mga pangarap ay kasama ka. Ibig mong sa bawat pagsisikap ko ay maging pagsisikap para sa atin. Sa likod nito, alam na alam kong may mga sarili kang pangarap at nararamdaman kong hindi ako kasama sa mga iyon. Sapagkat ang pangarap mo ay pangarap ninyo.

Ayaw mong mawala ako sa buhay mo ngunit tuwina’y ipinadarama mong kalabisan na ang aking pananatili.

Sa Pagitan ng Pagnguya

Sa pagitan ng pagnguya
Dinig ko ang iyong sumpa
Naaalala pa ang pangako
Ano at nilamon ng paglaho?

Sa pagitan ng pagnguya
Nagugunita ang mukha
Matang salamin ng kabiguan
Dibdib na moog ng karuwagan

Sa pagitan ng pagnguya
Damang init ng paghinga
Mga halik na nakapapaso
Nakapaloob sa ‘ting pagsuyo

Sa pagitan ng pagnguya
Nakagat ko aking dila
Panlasa ko ay naging maalat
Gana’y nawala na lang at sukat

Ipinagkanulo

Sa mahimbing na pagtulog, diwa ay pumaimbulog
Nagpilit na bumangon, kaluluwa ay naglakbay
Sa pagtungo sa kung saan,ay tila nagkukumahog
Maging pusikit na gabi, walang kamay-malay

Lakad, talon, takbo, kubli, ako’y halos gumapang pa
Nangangambang maunahan, hindi, aba’y mahirap na
Habang ako’y papalapit, papabilis ang paghinga
Hanggang ang iyong anag-ag ay abot-kamay ko na

Sa wakas, nasilayan na mukha mong sadyang kay-amo
May natuyong mga luha, bakas ng pagkasiphayo
Naduwag na ipadama, yaring aking presensiya
Pigil ko ang dal’wang kamay, at baka mayapos kita

Lingid sa iyong kaalaman na ako nga ay darating
At matagal na panahong ako ay di mo pinapansin
Di ko lang talaga matiis na kay layo mo sa akin
Pagdalaw sa iyo ngayon, sana’y ipagpaumanhin

Kumilos, napamulagat, tila may hinahanap
Bibig mo ay may inusal, mata’y pandalas ang kurap
Kinapa mo ang higaan, pabalikwas kang bumaba
Nag-aalala. . . sa wakas, sa ’kin yata’y nangulila

Nagtama ang mga mata, ayaw ko yatang kumurap
Kay luwang ng iyong ngiti, ako’y tila nangangarap
Bumuka ang iyong bibig, sinambit pangalan niya
Nang akin ngang mapaglimi, anong hapdi’t pait pala

Mula sa aking likuran, siya ay biglang dumating
Nakita ko nang magyakap, paharap pa kayo sa ’kin
Kinurot ko ang sarili, panaginip lamang ito
Tamang panaginip ko nga, bakit ang bida’y di ako?!

Di Ko Kaya

Sinubukan kong ingiti ang aking mga labi . . .nagmukha lamang akong napipilitan. Sinubukan kong lunukin ang masarap na putaheng nakahain, ngunit tila may bikig sa aking lalamunan . . . masakit! Sinubukan kong magbilang ng mga tupa at ipikit nang mariin yaring aking mga mata ngunit talagang kay ilap ng antok. . .sayang, baka dalawin mo ako sa aking panaginip.

Sinubukan kong maging masigla sa pagdating ng bawat umaga, pero nagmukha lamang akong tanga, humahalakhak, ngunit mga mata’y mapapanglaw. Sinubukan kong tuyuin ang mga luha sa mata tuwing pagkagat ng dilim ngunit ang mga ito’y patuloy sa pagbalong. Sinubukan kong itigil ang pagkausap sa aking sarili sa harap ng salamin tuwing nag-iisa, ngunit ito’y aking hinahanap-hanap. Sinubukan kong isiwalat ang itinatagong damdamin sa mga taong malalapit sa akin ngunit sa huli’y napagpasyahang sarilinin na lang . . .mahirap na baka ako’y kanilang pagtawanan lamang.

Sinubukan kong iwaksi ang maamo mong mukhang nakapagkit na yata sa aking gunita, ngunit saan man ibaling ang paningin, ikaw at ikaw lamang ang hinahanap-hanap. Sinubukan kong balewalain ang mga awiting may kaugnayan sa iyo ngunit parang tukso naming maya’t-maya’y tinutugtog.

Sinubukan kong mamuhi sa’yo ngunit hindi ko magawa . . . wala akong makapang dahilan upang maramdaman ang gayon. Sinubukan kong ibaling ang pansin sa iba ngunit namamalayan ko na lamang, ikinukumpara kita sa kanila at aaminin ko . . . mas matimbang ka.

Sinubukan kong kalimutan ang lahat-lahat sa’yo, ngunit ayaw ng puso ko

Patuloy pa rin kitang mamahalin . . .

Ang Salaula Kong Pag-ibig

Para kang dandruff, ang hirap mong alisin sa ulo ko
Para kang pustiso, I can’t smile without you
Para kang tinga, mahirap balewalain
Para kang sipon, maya’t-maya’y pinapansin

Para kang contact lens, I can’t see things clearly without you
Para kang tulong-laway, sa pagtulog kaulayaw
Para kang muta, sa paggising, ikaw ang unang naaalala
Para kang tutuli, iniisip ko pa lang, ako’y nakikiliti na

Para kang libag, bahagi ka ng buhay ko
Para kang buni, kumakalat ang epekto mo sa akin
Para kang utot, bigla ang dating, ngunit aking napapansin
Para kang mabahong hininga, hindi basta-basta

Para kang luga, amoy mo pa lang, ako’y napapalingon na
Para kang an-an, tunay na may kakaibang marka
Para kang sugat na nagnanaknak, nangangailangan nang ibayong pangangalaga
Para kang plema, ini-imagine ko pa lang, ako’y napapalunok na

Para kang athlete’s foot, ang sarap mong haplusin
Para kang buhok sa kili-kili, masakit isiping ika’y aalisin sa akin
Para kang hadhad, hindi ako makalakad nang maayos when you’re around
Para kang pimples, nakaka-conscious

Para kang agihap, dahil sa’yo, di ako makakain nang maayos
Para kang putok, nahihiya ako kapag nariyan na
Para kang buhok sa ilong, ang laki ng tulong mo sa akin
Para kang kulugo, pabalik-balik ka sa sistema ko

Para kang bungang-araw, di mo ako pinatutulog
Para kang pawis, pinag-aalala mo ako
Para kang pigsa, aking iniingatan na masaling man lang
Para kang peklat, pilit ko mang kalimutan, nagdudumilat ang katotohanan
. . .MIKROBYO KANG NANANAHAN SA PUSO KO.

Who Am I?

I’m free,
but less on freedom.

I’m full,
but still starving.

I’m brilliant,
but knows nothing

I’m friendly,
but can’t find true friends.

I’m loving,
but no one dares to love me.

I’m famous,
but no one knows me.

Then, who am I?

Ako

Simpleng mukha na mapanlinlang,
Nagngingitngit na’y hindi mo pa alam.

May mga ngiting ipinagdaramot,
Sa palalo’t mapag-imbot.

May mga tawang sinsero,
Labas-dila kung nais mo.

May mga taingang laging nakalaang makinig,
Maglimi at kung minsa’y magbingi-bingihan.

May pares ng matang mapagmasid, mapanghusga,
Tumatagos sa kaibuturan, mapang-usig kung kinakailangan.

May mga labing malumanay mag-akusa,
Ngunit malambing kung manita.

May dilang nakasusugat kung inaapi,
Banayad kung minamahal.

May dalawang mapagpalang mga kamay,
Sa sinuman ay nakalaang umalalay.

May matatag na balikat,
Maaari mong sandalan o kaya’y iyakan.

May mga paang nakalaang tahakin,
Ang landas ng sino mang mag-aanyaya.

May mga bisig na kayang yumakap,
Maging ikaw pa ang pinaka-hangal.

May pusong madaling magtiwala,
Ngunit hirap makalimot.

May kaluluwang naghahangad ng kaganapan,
Sa patutunguhang hindi masumpungan.