Monday, June 05, 2006

Mac-Mac

Kinakabahan ako sa tuwing
Sasabihin mong nasasabik kang
Makita ako at makasama
Iisa lang ang ibig sabihin
Mayroon na namang dinadala

Pipigilan ko ang sarili
Na mag-usisa, pagkat alam ko
Ang sagot sa sarili kong tanong
Pinasakitan ka na naman niya
At wala kang mapagsasabihan

Hindi naman ako nagsasawa
Sa tanging papel ko sa buhay mo
Taga-pakinig at taga-alo
Kasama mo tuwing lumuluha
Nagsisikap magpangiti sa iyo

Manghihingi ka ng payo, ngunit
Hindi naman kayang sundin
Kung sasabihin kong iwan na siya
Kalimuta’t humanap ng iba
Kabisado ko na ang itutugon mo

Siya ang iyong mundo at buhay
Pagmamahalan ninyo ay tunay
Ang lahat ng ito ay pagsubok
Na kailangan ninyong pagdaanan
Upang higit na maging matibay

At wala na akong nais pang sabihin
Ayoko ng makipagtalo pa
Dahil alam kong ako’y hihiritan
“Maiintindihan mo rin ako Ate,
Kapag nagmahal ka na nang tunay.”

No comments: