Monday, June 05, 2006

Kaiingat Ka . . .

H'wag kang pakasisiguro sa akin giliw,
At isiping pag-ibig ay di magmamaliw
H'wag mong hintaying masaid ang mga luha
Tantanan mo na ang saki'y pagpapamukha . . .

Na mas mahalaga siya kaysa sa akin,
Higit kanino'y s'yang mas nais makapiling
Ang kanyang salita ay batas para sa'yo
Pag siyang kaharap, balewala na ako

Maipaalala ko nga sa'yo mahal ko
Nasaan ba s'ya kapag ika'y nalilito
Pag nalulungkot, sinong and'yan sa tabi mo?
Sino ba ang karamay? Sinong umaalo?

Di pwedeng magtanong, di uubrang magdamdam
Paamot ng oras mo, kahit 'sang saglit lang
Para sa'yo, bukas itong aking pintuan
Laging may ngiti, kahit pa may dinaramdam

Matagal . . . umaasa. . . nabigo . . . namanhid
Sakit at kabiguan tanging alay sa'kin
Ipinapangako ko, kaya kitang limutin
Ang mahalin ako, ‘wag na ’wag mong gagawin.

No comments: