Monday, June 05, 2006

Bukas na Liham ng Isang Panganay

Inay,

Batid kong ikaw ay nahihirapan,
di birong pasakit ang pinagdadaanan;
Lahat na lang halos ng iyong naisin
di ko kayang tanggapin at sikmurain,
Kaya ang lahat ng iyong ipinagkakaloob
aking inaayawan at tinatanggihan -
ibinabalik sa nalalamang paraan.

Subalit di ka nanghihinawa
palihim mo akong hinahaplos tuwina;
Kinakausap maya't maya
sa wikang ikaw lang ang nakauunawa.
Nakangiti ka habang ako’y walang reaksyon,
dama ko ang init ng iyong emosyon
ngunit hindi ko ito kayang suklian ngayon.

Kahapon narinig kong nagulat ang matalik na kaibigan,
Ipinaalala mo sa kanya ang inyong usapan -
Kung sakali’t ano man, siya na sanang bahala
sa akin ay magpala at mag-aruga.
Ang daya mo naman, Inay. . .
Dalawang taon ninyo akong hinintay
upang inyo lamang palang ipamigay.

Ako ba'y inyong mahal? Nais ko sanang itanong
nang ako'y makasilip ng pagkakataon
nang kayo'y umasang marinig tibok nitong puso,
gamit ng doktor ang mahiwagang instrumento;
Pansamantala akong hindi huminga
nais kong subukan kung tunay ngang ako'y mahalaga
at akin namang naramdaman ang inyong pag-aalala.

Dinig na dinig ko ang inyong usapan -
Sa kabila ng peligro ng iyong karamdaman
sumugal ka sa labang walang kasiguraduhan.
Nakahihiyang isipin
na sa kabila ng mga hirap mo sa akin,
sarili mong buhay ilalaan
masiguro lamang ang aking kaligtasan.

Ako pala'y mahal, ngayon ko ganap na naunawaan,
kaya ganoon na lamang ang inyong kaligayahan
sa pagdating ng panganay na inaasam;
At kung bakit ganoon na lamang ang kaba
nilang nakakaalam ng tunay mong kalagayan.
Narito ako ngayon, Inay, may pintig na ng buhay
Sandali na lamang ang inyong ipaghihintay.

Inay, sa kakaibang tapang mo ako nakakapit -
Tanging hiling lang, mga mata'y huwag mong ipikit;
Kailangan kita at ang iyong pagmamahal,
Sasabayan kitang lumuhod at magdasal
hihilingin natin sa Kanya, buhay nating dalawa.
Magpakatatag ka, Inay
para sa akin at para kay Itay.


Nagmamahal,

Ang inaasam mong panganay

No comments: