Tuesday, June 13, 2006

Sa Unang Hirit

13 June 2006, 5:45 a.m. habang sakay ng shuttle service ng Office of the President na magdadala sa amin sa Malacañang, nag-flash sa monitor ng TV si Arnold Clavio at Arn-Arn. Nag-iingat na akong makatulog sa biyahe papuntang opisina, nang nakaraang linggo kasi, nahimbing ako at ginising lang ng kundoktor nang nasa tapat na ng opisina namin ang bus. Pupungas-pungas ako habang bumababa. Pigil nila ang tawanan. Sabagay, ako rin ay natatawa sa nangyari. Kaya naman pinaglalabanan ko talaga ang antok. Napatutok ang atensiyon ko sa TV, Unang Hirit pa rin pala ang palabas. Boses ng Masa ang kasalukuyang tinatalakay pagtingin ko ulit sa monitor, ang isyu, "napapanahon na raw bang ituro sa mga estudyante ang sex education?" Kinuha ko ang cellphone ko sa bag, may kumislap na idea sa isip ko. Ang dali lang ng instruction, itype ang BOSES (space) PANGALAN, LOCATION (space) OPINYON at ipadala sa 2344 dahil Globe subscriber ako.

Nakatuwaan kong sumagot sa tanong nila nang araw na iyon, wala lang. Ang sabi ko "napapanahon na para ituro sa mga estudyante ang sex education upang maging aware at responsable sila sa kanilang mga katawan. Kung patuloy na iaavoid ang isyu, may tendency na saliksikin ng mga kabataan ang kaalaman hinggil dito sa nalalaman nilang paraan." At ipinadala ko na sa 2344. Message sent daw, inulit ko ulit dahil parang space ang kasunod ng pangalan ko, instead na kuwit. Naghintay ako ng confirmation na natanggap nila ang mensahe ko, walang dumating. Ipinagkibit-balikat ko na lang, may mali kako siguro sa format. Bumaba na ako ng bus dahil nasa tapat na ulit ako ng opisina namin.

Nawala na sa isip ko ang bagay na iyon nang mga 8am yata eh nagtext si Kuya Dennis ko, pinsan ko sa mother side at nakabase sa Maynila. Siguro raw ay nasa bus ako kanina, narinig raw niyang binabasa sa Channel 7 ang opinyon ko. Nagtext back ako, tinanong ko "nanalo ba?" Hindi raw niya alam dahil umalis na siya. Narinig daw niya ang pangalan ko habang nagbibihis siya at naghahanda sa pagpasok.

9am, may tumatawag sa cellphone ko, staff daw siya ng Unang Hirit at nanalo daw ako sa Boses ng Masa. Susme, hindi ako makapaniwala. Nakatuwaan ko lang iyon, promise! Magdala daw ako ng 2 valid ID, original at photocopy at magsadya sa GMA 7 sa EDSA at pumunta sa Unang Hirit sa darating na Biyernes.

No comments: