May himig ng pagtatalo;
Nagsusumamo ang babae
Pumipiksi ang ginoo.
Kumawala sa kamay
Ang papel na hawak ni misis,
Nilipad sa aking paanan .. .
Isang reseta.
Sige pa rin sa sikuhan,
Itinuro ko na ang naibigan kong ulam,
At ang katambal na pamutat
Humiling nang nagyeyelong inumin;
Bahagya pa akong napalunok
At binasa ko ang aking labi.
Napahinto ako,
Nahagip ng tenga ang tanong
At tungayaw ng serbidora
Pasinghal, ang libreng sabaw aniya,
Ay para lamang sa bumibili ng ulam
Ipinagdamot kahit ang sarsa.
Napatingin ako, matagal
Sa dalawang tasa ng kanin,
Kapwa kayo nagbaba ng tingin
Napagtuunan ng pansin ang reseta;
Padisimulang dinampot
Halos kayo ay magkauntugan
Sinamantala ko ang pagkakataon,
Hindi naman siguro mamasamain.
Binayaran ang lahat ng nakuha,
At pumili ng lamesang bakante
Nagpakalayu-layo ako
Habol ninyo ako ng tanaw;
Kalakip ang piping pasasalamat.
Tila may bikig ang lalamunan,
Tapos na akong magdasal
Nanginginig ang kamay, aking sinimulan
Ang masaganang tanghalian.
May hatid na hapdi sa mata ang sinigang
Tila napaalat ang timpla,
Di kayang tighawin ng nagyeyelong
Inumin ang tuyong lalamunan;
Mapakla rin ang panghimagas.
Parang ang hirap lumunok kung alam mong mayroong mga taong hindi nakakakain nang maayos. Parang nakakahiyang magreklamo sa mga hindi pa natin nakakamit kung ang iba ay talagang pinagkaitan ng tadhana.
No comments:
Post a Comment