Last Sunday, nagkita kami ng dati kong dorm mate na si Noemi. Dinaanan niya ako sa UP at dumiretso kami sa SM North Edsa kung saan pareho kaming mag-aabang ng sasakyan pauwi.
Sobrang na-miss namin ang isa't-isa. Si Noemi ang unang taong nakilala ko sa Dorm 3 Ladies Wing ng TIPCO, ang gaan agad ng loob ko sa kanya noon. Nang hindi ko mabuksan ang pinto ng room na na-assigned sa akin, nag-offer siya na tabi na muna kami sa room niya. Bagamat hindi kami natuloy matulog sa isang room dahil nabuksan din ang room ko, nag-offer siyang magpahiram ng bed sheet dahil nakalimutan kong magdala. At nang umalis na ang mga ate at pinsan ko na naghatid sa akin, inaya niya ako na sumama na lang sa kanila ni Rexel magsimba since wala akong makakasama sa dorm.
Si Noemi ang nagpakilala sa akin sa iba pang occupants. She really went out of her way para maging komportable ako. Later on, nakasundo ko na ang halos lahat, pati ang mga occupants sa male wing. Nagkaroon ako ng iba't-ibang kaibigan pero si Noemi pa rin ang itinuturing kong paboritong tao sa dorm. Mahiyain siya, oo, nadiskubre ko iyan mga two months after siguro. Ayaw niya ng atensiyon. Kapag pupunta sa canteen, nagmamadali siya. Kung maraming taong nakaumpok sa daraanan niya, sa iba na lang siya dadaan kahit na malayo ang lalakarin, okei lang. Gustung-gusto ko rin kapag isinasama niya ako sa Madapdap everytime na nauubusan siya ng powdered soap or mayroon siyang gustong bilhin, ang saya-saya ng feeling kapag nagkukuwentuhan kami nang matagal habang mabilis na naglalakad, malayu-layo din ang Madapdap hanggang TIPCO pero hindi ako nakakaramdam ng pagod.
Nang dalhin ko ang badminton racket ko sa dorm, si Noemi ang una kong nakalaro. Nakakaaliw na oo nga at mas mataas ang grado ng mata ko sa kanya, lumalabas na lamang pa rin ako dahil hinuhubad niya ang salamin niya everytime na naglalaro kami.
Siya na yata ang pinaka-simpleng babaeng nakilala ko, walang arte, hindi maselan, hindi mahirap pakibagayan. Ni hindi nga siya aware na maganda siya. At habang nakikilala ko siya, the more na nagiging maganda siya sa paningin ko.
Kaya naman hindi ko masisi ang officemate ko na si Jhay nang asamin nitong ligawan si Noemi. Gusto pa akong gawing tulay ng loko, sad to say, katulad ng ibang nagtangkang manligaw sa kanya, iniwasan lang siya nang iniwasan ni Noemi.
Masarap kausap si Noemi. Totoo ang mga sinasabi, walang pretensions. Diretsahan ang mga tanong at hindi naman siya nagugulat kung mga direktang sagot rin ang ibinibigay ko. halos lahat ng topic gusto naming pag-usapan, maliban sa love, hehehe. Ang mangyayari kasi, tutuksuhin niya ako, at ako hindi naman magpapatalo, manunukso rin, tapos bigla naming mare-realize, wala naman kaming lovelife so tawanan lang ulit.
Si Noemi lang ang nag-iisang babae sa department nila. Kaya naiintindihan ko siya kung bakit madalas siyang ma-conscious sa mga lalake, kung bakit hindi siya masyadong nag-aayos (ayaw niyang tratuhing bababeng-babae ng mga lalakeng minamanduhan niya), kung bakit ayaw niyang mali-link sa kahit kanino (grabe naman kasing mang-alaska ang mga lalake, at madalas mas tsismoso pa sila sa mga babae, hehehe)at kung bakit kahit na-rebond na ang kulot niyang buhok (na bumagay sa kanya at lalong nagpalutang ng kanyang ganda) ay ayaw pa rin niya itong ilugay.
Isa ako sa mga natuwa nang siya ang tanghaling T.E.A.M (TIPCO's Employee Achiever of the Month)Awardee. Actually, isa ako sa mga naunang nakaalam nang magandang balitang iyon. Kaya nang hilingin ng boss ko na ako na ang mag-emcee ay hindi na ako nagdalawang isip, proud kasi ako na siya ang awardee namin for that particular month. Bukod sa P 5,000.00, recognition, plaque, free lunch with manager's committee ng aming kumpanya ay mapapalakpakan pa ng lahat ng makakapanood ang sinumang bibigyang parangal. Sa canteen ang venue, lunch time iyon kaya maraming makakapanood. At nandoon ang mga kaibigan ni Noemi! Nag-distribute kasi kami ng invitations sa bawat department. Hay, mga eksenang pinaka-iiwas-iwasan ni Noemi. Ang estilo pa naman, sasabihin lang sa iyo na awardee ka, the day itself na, wala ka ng chance na mag-prepare man lang ng speech or magpa-set man lang kaya ng buhok. Surprise talaga. Kabadong-kabadong Noemi ang nakita ko sa harapan ko that time, kung anong isinigla ng pagho-host ko ay para namang kalbaryo para kay Noemi. Andoon ang mga big bosses ng TIPCO, pati ang Mgr. at Supervisor ni Noemi, may nahatak pa sila para kumanta sa intermission number. Nang ibibigay na ang plaque at cash, hindi nila mapatayo si Noemi, kung hindi pa pandilatan ni Sir Mar ay hindi yata talaga tatayo. Hindi pa doon natapos. Syempre, pagka-tanggap ng award, kailangan ang speech. Alam kong sobrang kinakabahan siya dahil sobrang ikli ng kanyang mensahe at talagang hindi man lang tumitingin sa mga tao. Nang gabing iyon sa dorm, pasimple niya akong binulungan, sana daw wala ng ganung parangal, okei daw ang cash pero ang pagsalitain pa siya ay sobra na.
Maganda rin ang boses ni Noemi, saksi ang CR at ang washing area ng dorm sa araw-araw niyang pag-awit, kapag pinansin mo ay biglang mahihiya, maya-maya ay bibirit na naman. Kaya alam na alam ko kapag may problema siya, tahimik ang dorm, pero bihira lamang mangyari iyon.
Isa si Noemi sa mga umiyak nang mag-resign ako sa TIPCO. Nang araw na pauwi na ako, hinabol pa niya ako sa CR, dun kami nagyakap nang mahigpit, umiiyak pareho. Bakit daw ganun, lahat ng taong nagugustuhan niya ay umaalis, nalulungkot daw talaga siya. Nangako naman akong maaari pa kaming magkita ulit. Humalik ako at nagpaalam na. Maya-maya ay humahabol siya, may ibinigay na card. Mainit-init pa, hindi na nakuhang isara ang sobre.
Kahit wala na ako sa dorm, patuloy pa rin ang communication namin, thru text. We have this promise na kung sino ang unang magka-lovelife ay babalitaan ang isa. Kaya natuwa ako nang magtext siya minsan na may bf na nga raw siya.
Last Sunday lang kami nagkita ulit after 6 months at naikwento nga niya ang kanyang lovelife. Walang masyadong nagbago sa kanya, straight pa rin ang pina-rebond niyang buhok, medyo tumaba, ayaw pa ring isuot ang salamin kaya nahihirapang makakita. Marami siyang baong kwento tungkol sa dorm at sa bago niyang bf, kung paano siya nag-aadjust bilang Noemi as a gf. Nakakaaliw pa rin siya. paulit-ulit niyang sinasabing masaya siya at bibiruin ko naman na sino ba ang kinukumbinse niya, ako or ang sarili niya? At sabay na lang kaming magtatawanan. Totoo raw pala ang sinasabi sa isang movie, kaya raw tayo naghahanap ng mamahalin at magmamahal sa atin para in a way, mayroon tayong witness sa mga nangyayari sa buhay natin.
Dalawang oras din kaming nagkasama, sinubukang iupdate ang isa't-isa sa mga pangyayaring hindi na-witness ng bawat isa sa amin. Ipinara ko siya ng bus pabalik sa planta. At humalik sa kanyang pisngi bago siya sumakay.
Sakay na ako ng fx papuntang bulakan, nangingiti pa rin ako sa alaala ni Noemi. Naniniwala akong masaya nga siya, nakikita ko naman sa kanyang mga mata. At masaya ako para sa kanya.
Pagdating ko sa bahay, nabasa ko ang text message niya, "Me-ann, hindi ko ma-explain, basta may kakaibang saya ang ma-inlove. You deserve that joy."
No comments:
Post a Comment