Tuesday, July 25, 2006

Ang Buhay Sa Loob

Isang nakalimutang lugar, sa may Mariveles, Bataan,
Tagilira’y dalampasigan, guwardiyado ang harapan;
Ang inabandonang gusali, ay pinipilit panahanan,
Mga silid ay nilulumot, papel ang tanging hinihigan.

Gigisingin at huhubaran, sama-samang paliliguan,
Mapalad kung masasabunan, pinagpalang mahihiluran;
Magbabanlaw nang mabilisan, saplot ay nagkakaubusan,
Papipilahin kapagkuwan sa inaasam na agahan.

Gamot kailangang inumin para sa ‘ming ikagagaling,
Mga sugat na nagnanaknak, sana ay bigyan rin ng pansin;
Maglalaro at maglilibang, kakausapin ang salamin,
Hahabulin mga anino, makikipagtalo sa dingding.

Estudyanteng nangakaputi, ako naman sanang mapili,
Sa silid ko’y iyong ilabas, kahit na nga ba sasandali;
At ang lahat ng katanungan, sasagutin nang buong liksi,
Palamig at biskwit mong bigay, sapat na sa ‘king magpangiti.

Dagsa ang nakaaalala tuwing sasapit kapaskuhan,
Bumabahang mga pagkain at damit na pinaglumaan;
Maya’t-maya’y may kumakamay ‘pag papalapit ng halalan,
Para namang ang boses namin dito sa mundo ay may puwang.

Ambulansiya na walang ingay, di mo na ako malilinlang,
Alam kong ang lulan mo ngayon, magdadagdag sa aming bilang;
Pamilyar niyang pag-atungal ay hihintayin ko na lamang,
Kapag boltahe ng kuryente, katawan nya’y pinadaluyan.

Pamilya ko, nasa’n na kayo? Lubha na raw akong magaling,
Panglimang sulat ng ospital, bakit di nabibigyang pansin?
Inay, Itay, nagsusumamo, Ate, Kuya, ako’y sunduin,
Lumipat na nga ba ng bahay? Umiiwas ba kayo sa ‘kin?


April 17, 2006

No comments: