Nakangingilo ang langitngit
Ng tarangkahan nang ako ay
Pumasok, mabibigat mga
Hakbang, sumalubong ang pusang
Kapansin-pansin na pipis ang
Tiyan, hindi nga napakain
Maghapon, mahinang ungol lang
Ng aso ang narinig, walang
Sapat na lakas na ikawag
Ang buntot, at kinatamaran
Maging ang pagtahol.
Wala ang umaanging kanin
Kaya pala ay malinis ang
Kakalanan, lubhang mataas
Ang salansan ng platong gamit,
Nagmamantika ang lamesa
Nagkalat ang mga upuan;
At ang paligid ng kusina’y
Malansa, pagtingin sa labas
Lanta na ang mga halamang
Hindi marahil nakuntento
Sa hamog ng madaling-araw.
Binulaga ako ng bunton
Ng mga labahin, apaw na
Ang basurahan, naka-upo
Sa di kalayuan ang isang
Matandang lalake, may matang
Mapanglaw, garalgal ang tinig
Sa aki’y bumaling, nagwika,
“Pangalawang araw na’y ‘di pa
umuuwi ang nanay mo.”
May 08, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment