Tuesday, July 18, 2006

Unwanted

Naipamigay na ang baru-baruan,
Bigkis at ang lampin na pinaglumaan.
Ang pintig ng buhay sa sinapupunan,
Hindi namalayan, hindi naingatan.

Matindi ang kapit, anghel na mapilit,
Gamot isinuka, nagtanim ng galit
At nang iniluwal, dulot ay pasakit;
Gumanti sa inang buhay ay nabingit.

Gatas na tinimpla ang tanging kasama,
Ang mapangheng unan, kayakap sa kuna.
Tigmak na ang lampin nasaan si Kuya?
‘Susubong daliri tuwing nag-iisa.

Sa lambing ay hubad mailap sa yakap
Init ng kalinga lelong ang nagmulat;
Tuwing nadarapa, ama ang bubuhat
Hanap ng tiyahin sa tuwing lalayas.

Pansinin niya dili habang nakaratay,
Naghain ng sulyap ni walang inusal
Malamig na sabaw ang tangi niyang alay;
Pabaon sa inang ngayo’y agaw-buhay.


No comments: