Nakita na naman kitang dumaan,
Bitbit ang timba at batya
Kipkip ang labahin ng nagdaang araw;
Hinubad ng mga mahal na pasakit ang dulot,
Mapangheng salawal ng apong kinahuhumalingan.
Halos mamalimos sa pambili ng sabong,
Panlinis ng kanilang pinaglibagan
Padaskol kang hinagisan ng barya;
Di natigatig, pinulot mong isa-isa,
Ganyan ka ba katibay?
Kahapon ay iyong kaarawan,
Nakaligtaan kang bigyan ng pambili ng ulam
Asawa mo’y maghapon kang pinaliguan ng mura;
Tanging isa sa apat na supling ang nakaalala,
Nakangiti pa rin. Di ba nauubos ang iyong pasensiya?
Wala ng pagsidlan ang gatla ng iyong mukha,
Mga mata’y nakukulapulan na ng katarata
Mabuway at mabagal na ang bawat hakbang;
Ngunit sige ka pa rin sa pagkayod,
Di ka ba napapagod?
May 26, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment