Habang naghihintay ng masasakyan sa harap ng SM North Edsa, biglang may humintong lumang fx sa harapan ko. Iwinawagayway ang karatulang Tabang-Malolos. Dagli akong sumakay at naupo sa tabi ng driver, ayokong lumugar sa gitna, baka maipit na naman ang balikat ko. Sa likuran naman ay nangangawit ang mga tuhod ko. Naglapitan ang mga barker, sinita ang driver. Mayroon daw nakapila sa likuran nito, matuto daw itong magbigay, ang ibig ay pababain ako. Bago ako makapag-isip ng tamang gagawin, pinaandar na ng driver ang fx. Pilit kong isinasantabi ang takot, paano na kung wala itong maisakay bukod sa akin? Nag-aagaw-dilim na noon.
Lampas na kami sa pilahan nang magsalita ang driver. Pauwi na raw kasi siya, ayaw niyang magpagabi dahil baka hinihintay na siya ng misis niya. Naibulalas ko na lang na sana makakuha pa siya ng pasahero sa daan. Pero wala talaga, lampas na kami sa Muñoz ay wala namang pumara. Naaawa ako sa kanya lalo na nang sabihin niyang mag-a-abono pa siya ngayon ng pambayad sa toll fee.
Nang mapagmasdan ko ang driver, mas namayani ang awa kaysa takot. At sa aking pakikipag-usap sa kanya, nakuha ko agad ang profile niya: 69 anyos, byudo, may 6 na anak sa namayapang asawa at may mga binata ng apo. Tipikal lang di ba? Pero nang malaman kong nakisama siyang muli sa babaeng 30 anyos na ngayon at nagkaroon ng 3 anak dito, kung saan 6 na taon ang panganay at 8 buwan ang bunso, yun ang medyo nakapanlulumo. Halos habol na niya ang kanyang hininga habang nagmamaneho pero kailangan niyang kumayod upang may maipantawid-gutom ang bagong pamilya. May 3 anak din sa una ang babaeng kinakasama niya sa kasalukuyan kaya kailangan niya talagang magsipag. Matindi naman daw ang pananalig niya sa Diyos at alam niyang hindi siya pababayaan.
Hindi ko maiwasang mag-isip, paano na kaya ang tatlong anak niya kapag nawala siya? At eto pa, tuwing linggo lamang siya nakaka-ekstra sa pagmamaneho dahil ginagamit ng anak niya ang fx. Karaniwang kita niya kung malakas ang pasada ay P 700.00. Pilit ko mang sumahin sa aking isip, tila yata hindi sasapat ang halagang iyon sa isang pamilyang ang 2 bata ay nag-gagatas at nagda-diaper pa? Proud pa siya habang nagkukwento na hindi naman daw maselan ang asawa at anak niya, noodles, gulay at kanin ay magana pa rin silang kumain.
Medyo mahaba ang biyahe nang gabing iyon. Marahil dahil tila pagong ang aming takbo. Pamaya-maya'y natitingin ako sa driver, sa totoo lang kasi ay nag-aalala ako na baka hindi na niya kayanin ang pagmamaneho at kung saan kami pulutin. Buti kako at nakikita pa niya ang daan. Ang sagot ba naman eh, medyo nakakakita pa naman daw siya.
Nang pumasok na kami sa Bulacan, tinanong niya kung saan ako nakatira, sumagot naman ako. Napag-alaman ko na sa Pandi pa pala siya uuwi. Nakiusap siya na baka pwedeng sa Balagtas na lamang siya mag-exit para makamenos ng toll fee, ihahatid na lamang daw niya ako sa mismong bababaan ko. Pumayag naman ako, nakakaawa na kasi talaga. Medyo madilim at di ako pamilyar sa lugar na dinaanan namin kaya naman tahimik akong nagdarasal. Hanggang sa nakita ko na ang traffic ng Bocaue, sige pa rin sa kwento ang matandang driver, nakikinig lang ako at pamaya-maya'y nagpapahayag ng pagsang-ayon o pagtutol. Mukhang nawiwili sa pagku-kuwento, hindi niya namamalaya'y lubhang marami na siyang nasasabi. Sa kabila ng paulit-ulit niyang pagsasabing malapit siya sa Diyos at malakas ang kanyang kapit sa Kanya, sumasalit ang kawalan ng pag-asa sa kinakaharap na sitwasyon. Minsan na nga rin daw niyang inaway ng todo ang kanyang kinakasama para lumayas na sa bahay niya pero walang epekto.
Pagdating sa C. Mercado, kung saan maaari na siyang lumiko upang umuwi, pumara na ako. Ibig kong sumakay na lamang ng jeep na maghahatid sa akin sa amin. Ngunit mapilit ang matanda, naipangako nga raw niya sa akin na ihahatid niya ako sa mismong babaan ko upang di na mamasahe, hindi niya raw inaasahang papayag ako na sa Balagtas kami magdaan tuloy ay naka-menos raw siya. Nabaitan raw siya sa akin.
Wala pa yatang 5 minuto ang natitirang byahe, ngunit sinulit ng matanda ang kuwento. Balik na naman siya sa paulit-ulit na pagsasabing malakas ang kapit niya sa Diyos at alam niyang hindi siya nito pababayaan. Ayokong tumingin sa mga mata ni tatang, dahil kabaligtaran ang aking nasasalamin.
Naglalakad ako papasok sa aming tarangkahan, iniisip ko sino nga ba sa aming dalawa ang naka-diskuwento?
No comments:
Post a Comment