Tuesday, July 25, 2006

Lahat Ay Gagawin

Kung iyong tatanungin itong aking puso,
Kung gaano kita kamahal
Maging handa ka kaya sa isasagot ko?
Nakalaan ka bang ako’y paniwalaan?

Nakahanda akong pahirin ang naglalakihan mong mga muta,
Kung nais mo’y titikman ko maging iyong mga luha;
Magsisiksik ako sa pawisan mong kili-kili,
Kakamutan ko ang likod mong kumakati.

Gugupitan ko maging patay mong kuko,
Mamasahihin ang paa mong pasmado;
Sipon ma’y papahiran ko nang may pagsuyo,

Pagtitiisan kong masdan ang tinga sa ngipin mo.

Lalanggasin ko ang sugat mong sariwa
Tutulungang hanapin ang mata ng pigsa
Patay na libag mo’y kukuskusin hanggang sa mawala
Magboboluntaryong linisin loob ng iyong tenga

Bagong gising ka man, ika’y kakausapin,
Tulong-laway mo’y di bibigyang pansin;
Balakubak ma’y magkalaglag, akin itong papalisin,
Alipunga sa paa, mabining hahaplusin.

Magbubulag-bulagan ako sa tibak mong taglay,
Kaligayahan kong madantayan nang makalyo mong mga kamay;
At kung kulaniin, magsisilbi mo akong gabay,
Hinding-hindi ako iiwas sa pagtalsik ng iyong laway.

Iimisin ko ang mga mumo sa iyong pisngi,
Hihipan ang tabi-tabing agihap sa iyong labi;
Sisikaping alisin saludsod sa daliri,
Bubunutan ng pilikmata maging iyong guliti.

Buhul-buhol mong buhok, aking susuklayin,
Paglobo ng iyong ilong, hindi ko uungkatin;
Naglilintugang tagyawat, iingatang salingin,
Palalampasin pati na inilabas mong masamang hangin.

Hindi ako matatakot mahawahan ng kulugo,
Aayusin ang kilay mong sabog at magulo;
Pulu-pulo mong buni aking gagamutin,
Anan mo sa mukha, mayat-maya’y hahaplusin.

Sa mabuto mong dibdib, matutulog nang payapa,
Sa patpatin mong katawan, ako’y magtitiwala;
Hindi magrereklamo, matusok man nang matulis mong baba,
Matuluan man ng iyong pawis, sa akin ay balewala. . .


December 02, 2005




No comments: