Paling na ang balikat ng magtataho,
Puro alipunga na ang daliri sa paa ng labandera
Ngalay na ang bewang ng magsasaka;
Bisig ng panday ay naghihina na
May sore throat na ang giraffe.
Wala ng lakas ang kamao ng boksingero,
Hindi na maiangat ng karpintero ang martilyo
Pasmado na ang plantsadora;
Mga mata ng mananahi’y malabo na,
Tamad na ang langgam.
Nakasimangot na ang payaso,
Napagliligaw na ang kartero
Nandidiri na ang basurero;
Katawan ng bumbero’y pawang paso at lapnos na'
Malat na ang aso.
Color blind na ang manikurista,
May hydro phobia na ang mangingisda
Mainit na ang mga kamay ng hardinero;
Ahente ng punerarya’y patay na,
May arthritis na ang alimango.
Nalulula na sa ere ang piloto,
Takot ng pumalaot ang kapitan ng barko
Mababait na ang pulitiko;
Mga abogado’y nagsasabi na ng totoo,
Baldado na ang alupihan.
Payat na ang baboy,
Wala ng panghihinayang ang mga butiki
Matatalino na ang biya;
Mga kuliglig kung gabi’y tahimik na,
Sawa na sa panghuhuli ng daga ang pusa.
Ngunit di pa rin kita nakikilala,
Nasaan ka ba?
Kailan kita makikita?
Pakiusap naman, magparamdam ka . .
April 17, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment