Sinusupil ko ang ngiti
Sa tuwing pagbubuksan ka.
Kasinluwang ng mga yakap ko
Ang pag-asang nag-uunahang umahon.
Ligaya ang katumbas
Ng dilim na masasalamin
Sa iyong mukha.
Lingid sa iyo’y ipinagdiriwang ko
Ang manaka-naka ninyong pagtatalo.
Mas malalim na alita’y
Higit na maliligayang sandali
Sa piling mo, sa pagitan natin.
May impit na dalanging
Manatili ka ng magdamag
Dito sa tabi ko.
Lumilipad yaring isip
Habang ikaw’y naghihinga
Ng kanyang mga kakulangan.
Sinasadya kong lasingin ka
Ng mga paglalambing,
Inaasam na sa paggising
Ay limot na siya.
Palihim kong pinuputol
Ang kamay ng orasan,
Upang di dumating
Ang hudyat ng paghihiwalay.
Kung maaari lamang sagkaan
Ng tamis ng pagniniig ang pintuan,
Upang di mo na hangaring umuwi.
Ngunit alam ko
Masarhan ko man ang pinto,
Siguradong wawasakin mo ang bintana.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment