Tuesday, July 25, 2006

Mga Dalit

INAHING ASO

Pagala-gala ang iba,
Malungkot kung nag-iisa
Sa sandaling maging ina
Bumabangis, kumakasa.

KALABASA


Ang anak mo’y nagdalaga,
Pag-upo ay kinakaya
Habang ikaw na ina n’ya
Sa paggapang nagdurusa.

LANGGAM


Pantal ko’y napakalaki
Namumula, nangangati
Wala ngang makasasaksi
Sa lalasaping higanti.

KUMPISALAN


Takbuhan ng nagsisisi,
Luluhod at magkukubli
Nakayukong magsasabi
Mangangako na mabuti.

GAMU-GAMO


Munting hayop na nalito,
Sa nanay niya ay nagtampo
Sinuway ang bilin nito
Sa ningas nagpaka-abo.

BALIMBING

Limang mukha sa ‘sang ulo
Mabait nang nasa kubo
Iba nang nasa palasyo
Alin nga ba ang totoo?




No comments: