Tuesday, July 25, 2006

Umaasa, Naghihintay, Nagsusumamo

Naghihintay ang lupa sa pagpatak nang maiinit kong mga luha
Sabay sa hanging amihang may kakaibang lungkot na dala
Apat na sulok ng silid, saksi sa aking pag-iisa
Sa pagbabalik-tanaw, karimlan ang kasama

Pagbaling sa salamin, sarili’y tatanungin
“Bakit kaya?” “Anong mali sa akin?”
Pagdaka’y sa larawan mo, atensyon ay ibabaling
Pakatititigan, paulit-ulit na kakausapin

Mapapabalikwas mula sa kahimbingan nang malamig kong higaan
Babalewalain ang pagal na katawan, maging ang magulong isipan
Isasantabi, sikmurang halos di nalamnan
Sarili’y lulunurin sa pagdadalamhati’t pagdaramdam

Paningin, saan mang sulok ibaling
Maamo mong mukha ang nasasalamin
Mga awitin sa radyo, kahit ano pa ang tono
Nagpapaantak sa nagdurugo kong puso

Bawat oras, baon ko sa gunita
Hinahangad na marinig ang tinig mo sa tuwina
Saksi ang telepono sa paghahangad kong makausap ka
Kahit isang saglit lang, bayaan mo sana

Sa aking pag-iisa, sarili lang ang kasama
Sinasambit pangalan mo, sa may tabi ng bintana
Binabalik-balikan, masasayang ala-ala
Sa saliw ng bunting-hininga, kasabay nang paglalandas ng aking mga luha

Mapagod man ang araw sa paglubog at pagsikat
Maubos man ang tubig sa malawak na dagat
Heto pa rin ako naghihintay sa’yo ng tapat
Patuloy na aasang tayo pa rin sa wakas . . .


November 18, 2005

Para kay R. at sa kanyang nawalang pag-ibig.

1 comment:

Anonymous said...

I was looking for a song and all i remember was a part of the lyrics. I typed it and then your post had the exact match. Although it was not what I was looking for, I was somehow delighted. Partly maybe because of the fact that this blog's title is "Serendipity" and that my name starts with R. I don't know what this is, I just want it out of my chest. Here's my number: +639152443295