Naulinigan ko ang kasiyahan ng pamilya ng aking kapit-bahay. Nang kanila akong mamataan, kinambatan ako ng ina,
"Halika, dali! May ipaparinig ako sa iyo." Agad na tinawag ang pangalawang anak nasa tatlong taon marahil, pinatayo sa ibabaw ng kama at inutusan.
"O anak, iparinig mo na si Tita Nini yung dasal mo."
Agad namang tumalima ang inutusan, tumingin muna sa akin at nakangiting pinagsalikop ang dalawang kamay nang tila nagdarasal, bahagya pang nakapikit. Hindi pa nagkasya, lumuhod pa sa kama.
"Jesus, pahingi po ng pagkain para sa amin nila Mama. Sana po palagi kaming padalhan ng maraming damit at sapatos ng Papa ni Kuya Billy (kapatid nila sa unang asawa ng kanyang ina). Si Papa po na andun sa kulungan, sana gawin mong pulis, Amen."
Hagalpakan ng tawa silang lahat ng nakarinig. Nakatingin sa reaksiyon ko.
Mukhang napahiya ang ina, "eh si Billy kasi, siya ang nagturo niyan."
"Bakit naman ganung dasal?" ang nausal ko na lamang.
No comments:
Post a Comment