Tinangka ng yayat na batang saluhin
Ang tira-tirahang mga pagkaing
Inihagis ng mayamang bata mula sa sasakyan
Hindi naabot ng kanyang kamay, natapon sa daan . . . kinain pa rin!
Ang pagnanakaw sa pinapasukan ay naging napakadali
Para kay Juan, dito'y walang mali
Kinukuha lamang nila ang para sa kanila
Na pinipilit angkinin ng mga mapagsamantala
Murang katawan, kinakailangang ibilad
Makakain sa oras, iyan ang tanging hangad
Tulog sa araw, buhay na buhay kung gabi
Sa malaganap na AIDS, takot ay isinasantabi
Edad walo nang magkaroon ng karanasan
Sa kamay ng tatlong pedopilyang dayuhan
Ang nakalulungkot, naging paulit-ulit, may basbas pa ng magulang
Gulong isipan, luray na katawan
Sabihin na ninyo ang nais ninyo
Sa pagtutulak ng bawal na gamot, pamilya nami'y desidido
Pantawid-gutom nami'y nanggagaling dito
Pangangailangan ba namin kung saka-sakali'y maibibigay ninyo?
Nakatakdang tumestigo sa kontrobersyal na kaso
Nagnanais makatulong, katarunga'y maiwasto
Nang sa lalapit si Attorney ng kalaban
Milyong pisong alok paano mapahihindian?
Ikawalong anghel ang paparating sa isang tagni-tagning dampa
Labandera si Nanay, lasenggero si Tatay, panganay ay di napag-aral
Maswerteng makakain ng dalawang beses sa isang araw
Kaya buhay na pumipintig, piniling kitlin na lang . . .
November 07, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment