Teka, teka, teka, huwag mong sabihing ako na naman ang pakay mo? Utang na loob! Aba, mahiya ka naman, gabi-gabi na lang iyan ah! Ano kamo? Baka hindi ikaw ‘yun, baka kamukha mo lang? Kahit na, basta ayokong makakita ng kahit sino sa kauri mo. At tsaka ikaw, ang tindi mo rin naman ano, ni wala pa ngang alas-sais ah!? Parang gusto ko tuloy maniwalang pare-pareho kayong lahat. At iisa lang ang tingin ko sa inyo, mga MAPAGSAMANTALA!!!
Anong iba ka? Huwag ka ng magbagong-puri at magmaang-maangan pa, wala na rin naman eh, hindi mo na ako mapapaniwala. Isa pa, sanay na rin naman akong masaktan nang paulit-ulit, kaya sige na, ano pang hinihintay mo. Kunin mo na ‘yung gusto mo at maaari ba, pagkatapos mong masiyahan, umalis ka na!
O, bakit natigilan ka? Siguro, napag-isip-isip mong tama ako noh? Teka, teka, ‘wag kang umiyak diyan. Please stop it, okey? Mababaw lang ang luha ko. Sige na, medyo naniniwala na ako. Oo na, iba ka nga sa kanila. Pasensiya ka na sa mga nasabi ko kanina, nabigla lang ako. Masyado lang akong nadala ng mga sitwasyon. Ha?! Naku, salamat! Salamat at naiintindihan mo ako. Ano? Handa kang makinig sa mga problema ko? Talaga?! Nakakahiya naman ata ‘yun. Ano k’se eh, alam mo na, pinagdududahan kita kanina. Sigurado ka, hindi sumama ang loob mo? Iba ka nga, huh! Pero teka, bago ako mag-kwento, kumportable ka ba diyan sa posisyon mo? Sigurado ka ayaw mong maupo? Ah, sanay ka naman. Sige, ikaw ang bahala.
Ano kasi eh, itong mga panahong ito, masamang-masama ang loob ko. Alam mo kung bakit? Feeling ko kasi wala ako ni isa mang kaibigan. Hoy, hindi guni-guni ‘yan ha! Lahat kasi ng lapitan ko, puro abala, wala na silang oras para sa akin. ‘Yung iba naman, akala yata, mangungutang ako ng mangungutang, pinagtataguan ako. ‘Yung bestfriend ko na akala ko ay super loyal sa akin, ayun, naaalala lang ako kapag nag-aaway sila ng boyfriend niya! Daig ko pa nga si Ate Charo sa dami ng humihingi ng mga payo. ‘Yung kaibigan ko since elementary, hindi na rin nagte-text. Kapag nakikita ako, panay ang hingi ng sorry. Palagay mo, maniniwala ako? Hindi yata! Meron pa ngang isa, panay ang pangako ‘nung college kami na hindi niya raw ako makakalimutan kahit kailan, aba’y kanina nang makasalubong ko, kung hindi ko pa ikinuwento ‘yung paraan kung paano kami nagkakilala noon eh hindi ako matatandaan! Ang sakit nga eh! Ang sakit-sakit! Hindi eh, talagang masakit sa loob! Alam ko namang kaya ka ganyang magsalita dahil hindi ikaw ang nasa lugar ko di ba?
Ang isa pang ikinasasama ng loob ko, pinakisamahan ko naman silang lahat. Lahat nga ginagawa ko para sa kanila. Anu-ano ‘yun? Ang mga pansarili kong kaligayahan, isinasakripisyo ko. ‘Yung sarili ko, kinakalimutan ko pansamantala, at higit sa lahat, madalas akong magpakababa. Tapos ngayong ako naman ang nangangailangan, wala silang lahat.
Huwag ka ng maawa sa akin. Sobra-sobrang awa na nga ‘yung nararamdaman ko ngayon para sa sarili ko eh. Kasama ko lang pala sila sa saya. Sa lungkot, ako na lamang palang mag-isa. Sabagay, lahat naman yata talaga ngayon MAPAGSAMANTALA. Kita mo nga, pati ikaw, napagkamalan ko kanina. Pasensiya na ulit ha. Nag-iingat na kasi akong magtiwala, mahirap na. Alam mo kasi, kadalasan, kung kailan malapit at hulug na hulog na ang loob mo sa kanila, at saka ka iiwan sa ere. Ang saklap! Sasabihin mo sa sarili mong, sana sinaksak ka na lang! Talaga? Naranasan mo na rin ‘yun? Ang sakit di ba? Kaya naman pala naiintindihan mo ako. Pareho pala tayong biktima. Oo ba, sige mula ngayon, friends na tayo. Oo, walang iwanan!
Teka, inantok ako dun ah! Matulog na ako? Eh paano ka? Babantayan mo ako? Wow naman, ayoko ‘nun. Ang mabuti pa, ikaw na lang muna ang matulog at ako ang magbabantay sa’yo. Ayaw mo rin? Pwes, sabay tayong matulog! Ayan. Goodnight, my friend! Sweet dreams! Papatayin ko ang ilaw ha!?
K-kaibigan, ikaw ba ‘yun? Teka, teka lang, huwag ka naming magbibiro ng ganyan. W-wala sa usapan natin ‘yan! Nangako ka, remember? Aray! Ang kati nun hah! Aray! Aray! Bakit naman sa tenga pa? Ummmm! . . . sa wakas, napatay rin kita. K-kaibigan . . . akala ko ba iba ka? Sabi mo kanina di ba? Sabi mo, hindi ka timawa sa dugo. Nagtiwala naman ako. Kapareho ka rin pala nila, MAPAGSAMANTALA! Alam mo, sayang . . . lalo lang sumama ‘yung loob ko.:’(
No comments:
Post a Comment