Monday, June 05, 2006

Bula

Pamilyar ang mukhang tumambad sa telebisyon
Ang nangingintab na mga kamay na babad sa paglalabada
Pares ng paang nagkakalyo, tsinelas na walang isang paa
Bulto ng katawang nakapaloob sa kupas na kamiseta
At ang eskapularyong naglilibag

Habang ikinakamada ang mga katawang walang buhay
Nadaanan ng kamera, ang hapis mong pisngi
Di kita inaalisan ng tingin
Nagbabakasakaling may kaunti pang hiningang natitira
Hinihintay ang ngiting nakasanayan, ngunit maramot ka

Paano na ang walong bibig ng inakay na tanging sa’yo lang umaasa?
Saan pa dadapo ang kamao ng asawang iresponsable?
Sino pa ang makakatalamitam ni Tomasang labandera
Paano na ang pangarap ng pagbangon, ng pagbabalik-probinsiya?
Sino ng ilaw ng bahay ninyong walang tarangkahan?

Kung nagkasya ka na lamang ba kasi sa panonood
Mula sa maliit na siwang ng bintana ng ating kapitbahay

No comments: