Monday, June 05, 2006

Paimbabaw

Nagkakadaiti ang ating mga balat, nagkakabungguan ang mga balikat, ngunit di ko maarok, laman ng iyong isip.

Alam ko ang mga kababawan mo, maging ang mga bagay na nakapagpapasaya sa iyo. Ngunit totoo kaya ang iyong mga tawa? Sinsero ba ang kislap sa iyong mga mata? Tunay nga kayang maligaya ka sa tuwing tayo ay magkasama?

Sinasabi mo sa akin ang lahat ng iyong mga dalahin, mga tiisin, mga sama ng loob at hinanakit sa mundo at sa maraming tao. Maraming beses na kitang nasaksihang lumuluha. Di mabilang na pagkakataon ng ako ang iyong naging sumbungan, taga-payo, taga-pahid ng luha. Balikat ko ang nakasanayan mong sandalan. Mga kamay ko ang madalas hawakan ngunit ako nga kaya ang nais mong karamay?

Naibahagi mo na rin sa akin ang iyong mga kinatatakutan at mga alalahanin ngunit tila ang mga salita ko ay kulang upang palakasin ka.

Nais mong sa paghabi ko ng aking mga pangarap ay kasama ka. Ibig mong sa bawat pagsisikap ko ay maging pagsisikap para sa atin. Sa likod nito, alam na alam kong may mga sarili kang pangarap at nararamdaman kong hindi ako kasama sa mga iyon. Sapagkat ang pangarap mo ay pangarap ninyo.

Ayaw mong mawala ako sa buhay mo ngunit tuwina’y ipinadarama mong kalabisan na ang aking pananatili.

No comments: