Binibini
Hinagod ang buhok inayos ang gusot;
Binasa ang labi, sinipat ang pulbos.
Pagpanhik ng hagdan, dibdib mo’y tinutop,
Magarang sandalyas dinig ang kalatog.
Ang iwing alindog madaming nabihag
Pumito ang sekyu nang ika’y mamalas;
May mamang kumindat, ang mata’y nangusap;
Naglabas ng dila, totoy na may bikas.
Sa paghinto ng tren agad kang sumakay
Ang mga lalaki’y nagpilit sumabay;
Sa dibdib mo’t hita, lahat nakatanaw,
“H’wag munang iibis,” ang iisang dasal.
May di nakatiis, dibdib mo’y sinalat,
Bigla kang tumili. Kamao’y umigkas.
Binugbog ang pilyo at wig mo’y nahubad;
Ang peklating ulo . . . sa lahat tumambad.
Natawa ka ba? Hindi pa diyan nagtapos ang Sabado namin. Kung bakit naman kasi itong si Sol, naisipang gagarin ang Bahay Kubo. Ayun, nagka-idea tuloy ang Sir Rio. Palibhasa'y maagang natapos ang palihan, pagkatapos ng aming tanghalian muli niya kaming binigyan ng exercise. Gagarin daw namin ang kantang Bahay-Kubo. Bahala raw kami. Basta kailangan daw ay sa tonong nagpapatawa.
Ang hirap kayang gumawa ng tula kung nape-pressure ka at nalilimitahan. Wala namang regular na tugma't sukat yung Bahay Kubo eh. Pero siyempre, puwede mo bang ikatwiran iyon?
Una kong naisip ay ang Bahay ni Gloria, ilalarawan ko sana ang mga halimaw doon na sari-sari. Ngunit ayoko namang lumikha ng eskandalo dahil sa mga ilalagay kong personalities sa tula ko. Hmmm, isip pa ng konti. Wala talaga akong matapos. Puro simula lang. May naisip ako pero baka kung ano naman ang isipin nila. Pero bahala na, wala talaga eh. Kuwela naman siguro. Ipinabasa ko kay Kuya Sam, mukhang nangiti naman siya.
Bahay Puta, kahit munti
Kahalayan doon ay sari-sari
Bugaw na mapilit, bebot disisyete
Baklang bihis-babae.
Mamasang na Lola, 'pinataas ang palda
Utos sa dalaga
Magsayaw ng bomba
D.O.M. lalapit, 'lalabas ang kwarta
Ang hindi mapili'y bubuntong-hininga
Isinulat ko pa ito sa pisara at ang lalong nakakahiya eh ipinakanta pa talaga sa akin. Susme, may mga natawa naman. Nang maupo ako ay tinitingnan ako ni Sir Rio. Bakit ko daw alam ang mga bagay na ito. At napagdudahan pa akong dati raw siguro akong nagtatrabaho dito, hehehe. Pambihira, common sense na lang kasi.
Ano naman kayang kapalaran ang naghihintay sa amin sa darating na Sabado. . .
3 comments:
Me-Ann,
Sa BINIBINI... doon ako natawa sa huling stanza. Naalaala ko ang peluka ng dati naming Administrator.. nang siya ay bumaba sa kanyang car biglang nagsandstorm tinangay ang kanyang hair... halos madapa siya sa pagtakbo upang agawing muli ang kanyang peluka tangan-tangan ng hangin.
Always,
Kuya Paul
Ang ganda ng blog mo malinaw sa mata. Lagi kang mag-iingat d'yan lalo na sa tuwing sasakay ka ng bus at anumang sasakyan. God bless...
God bless you too!:)
Ingat din po kayo lagi!
thanks, trina! salamat sa pagtitiyaga mo na magbasa, hehehe.
Post a Comment