Tuesday, July 04, 2006

Snellen Test

Kagabi, medyo na-frustrate na naman ako . . . Hinubad ko ang contact lens, as usual para guminhawa ang pakiramdam ko. May nakaabang na towel sa kandungan ko para sa tulo ng solution at posibleng paglipad ng lens. Sus, mentras nag-iingat ay saka naman bibiruin ka ng kapalaran. Nailagay ko na sa container ang hinubad ko sa kaliwa pero nang binabanlawan ko na ng solution ang galing sa kanan kong mata, bigla ko itong nabitiwan. Tigas ako ng hanap - sa braso, sa towel na nakasapo, sa sahig sa tapat ko, sa damit kong suot. Nagpapaka-independent as usual dahil hanggat maaari ayaw kong ipakita ang kahinaan kong iyon. Pero wala talaga, ayoko namang isipin na bukas ay papasok ako na isa lang ang malinaw na mata Pinakiusapan ko na ang ate ko na paki-turn off ang electric fan dahil baka liparin ang hinahanap ko. Pinakisuyuan ko na rin siya na tulungan ako sa paghahanap. Medyo nagpa-panic na ako. Mawala na ang lahat, wag lang ang contact lens ko.
Habang pinapasadahan niya ng kamay ang mga posibleng pagbagsakan ng contact lens, bigla akong may nakapa sa kaliwang binti ko. Ang contact lens! Malapit na siyang ma-dry dahil medyo matagal na ring hindi nakababad. Dagli ko itong kinuha, nilinis, inilagay sa sisidlan at agad isinara. Hay, buti na lang. . .
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ba ako nasasanay? Hindi ninyo naman siguro ako masisisi. Lumaki akong hindi yata nakaranas ng 20/20 vision (lately ko lang narealize iyan). Grade 1 ako ay hindi ko napapansing nahihirapan akong makakita nang malinaw kung malayo sa pisara. Kapansin-pansing, kinakailangan ko pang makiupo sa gawing harapan para lang makaagapay sa lecture. Tuwing pababasahin ako sa chart kapag reading, hindi ako masyadong makasunod, bumabawi na lang ako sa written exams. Madalas akong makaramdam ng pagkahilo pero binabalewala ko lamang. Minsan kahit dumaing ako, hindi naman masyadong napapansin dahil hindi ko sila makumbinse. Sa tuwing manonood ng tv, ugali kong maupo sa malapit nito at kung hindi man ay ikunot ang noo upang makita nang malinaw ang pinapanood. Grade 5 na ako nang mapagpasyahang ipacheck-up ang mga mata ko, malabo nga raw sabi ng doktor, kailangang magsalamin. Ang una kong grado, 200.
Nang una akong magsalamin, awkward talaga. Naglalaro pa ako noon eh, so ang pagsasalamin ay naging hadlang para sa mga outdoor games. Kakaiba rin ang tingin sa iyo ng karamihan, mukha raw kasing nerd. Imbes na makipaghabulan at makipagpatintero, nagbabasa at nagsusulat na lang ako. Nang sumunod na taon, napaghihilo na naman ako, nang ako'y ipa-check-up, tumaas daw ang grado ko. 400 na ngayon.
Mas makapal na ang salamin ko, mas dumarami ang nang-aalaska. Ganun naman yata talaga kapag bata ka pa, tingin mo sa lahat ay laro. Taun-taon ay nagdodoble ang grado ng salamin ko, pabigat ng pabigat at nalilimitahan na ang pagkilos ko, unti-unti na rin yatang nadevelop ang inferiority complex ko.
Third year high school na ako nang isuggest ng doktor na subukan kong mag-contact lens, para mapigil daw ang pagtaas ng grado (naiisip ninyo na ba kung anong grado na ng mata ko by this time?). Pumayag ako. Mas maginhawang di hamak kaysa salamin pero kailangan ng ibayong pag-iingat. Bawal ang mahabang fingernails, kailangang palaging maghugas ng mga kamay sa tuwing magsusuot o maghuhubad ng mga ito. Kailangang panatilihin ang kalinisan ng sarili at ng sisidlan ng contact lens, pati ang tamang paggamit ng mga gamot at solution. Yearly rin ang pagpapalit ng contact lens at totoo ang sabi ng doktor, napigilan nga ang pagtaas ng grado.
More than ten years na akong nagko-contact lens. Nakailang palit na ako ng brand pati ng solution. Ang high school friend ko na si Lanie ay ganap ng Optometrist at isa ako sa kanyang mga pasyente. Bigla ko na lamang naramdamang may kakaiba sa loob ng aking mata. Sa tuwing tatangkain kong isuot ang contacs ay kumakati ang loob ng aking mga mata, magluluha at iritable na kaya huhubarin ko na lamang ito. Nagpagawa na ako ng ultra thin (ultra thin na naturingan, pero ubod pa rin ng kapal) na salamin para pamalit dito. Dumating na sa puntong hindi ko na talaga ito maisuot. Sobrang hirap dahil nasanay na ako. Mahirap bumalik sa salamin lalo't ganun kataas ang grado, masakit sa ulo at ang hirap magtrabaho. Nang magpa-check-up ako, may mga butlig daw sa loob ng talukap ng aking mata. Binigyan ako ng pamatak at ibalik ko raw after two weeks. Makalipas ang dalawang linggo, hindi pa rin daw tuyo ang mga butlig. Lumipat na ako sa ibang doktor.
Sabi ng eye specialist, na-irritate nga raw ang mga mata ko. Hindi na raw ako maaaring mag-contact lens. Kung ipipilit ko raw ay baka mabulag ako. Salamin lang daw talaga ang solusyon. Kaya wala akong nagawa. Balik salamin ang drama ko. Ang makapal kong salamin.
After one year ng pagsasalamin, at pagdalangin kay Sta. Lucia, nagpa-check ako sa kumare kong si Lanie. Sinubukan kong muling mag-contact lens at naging matagumpay naman.
Mahigit isang taon na naman akong balik contact lens, naging maingat na ako this time. Hindi na ako natutulog na suot ang aking contacts, ipinapahinga ko na nang mas mahaba ang aking mga mata at regular ang aking check-up.
Napakahalaga ng paningin, hindi ko masabing pinabayaan ko yung sa akin. Hereditary yata. Isa o higit pang myembro ng bawat pamilya ng aking kamag-anak both sa mother at father side ay mga naka-salamin.
Subconsiously, alam kong andiyan lang sa tabi-tabi yung malaki kong takot . . . ang magising isang araw na pinagkaitan na ng paningin.

2 comments:

Andrew said...

nice blog almost you and me are the same situation hassle talaga ang magsalamin dhil malilimitahan ang gawain mo on my own story i was wearing my glass nung 2ndyr highschool ako 250 ang grado ng mata ko nung nadiagnose ng optometrist kya pla hirap ako makakita ng malayuan in short my myopia ako pero in the nxtyear 2maas na nman ang grado ng mata ko naging 300 then in a few years lalong 2maas ang grado ko in short my astigmatism na pla ako. di ko pa nasubukan magcontact lens sa buong buhay ko balak ko sana pagnakaipon ako ng pera magpapalaser treatment na ako para matapos na tong hassle sa buhay ko.

Andrew said...

Nice story parehas tayo ng situation hindi lang tau ang ganito sa mundo.